LIGTAS nang nakabalik sa bansa ang 317 Pilipino mula sa Gitnang Silangan sakay ng ika-tatlong chartered flight ng pamahalaan.
Kabilang sa mga repatriate ang 153 overseas Filipino workers (OFWs), kasama ang kanilang 114 pamilya at 50 stranded Filipino passengers.
Ang matagumpay na repatriation ay bunga ng pagtutulungan ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Embassy sa Abu Dhabi, Philippine Consulate General at Migrant Workers Office sa Dubai, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nagmula ang flight sa Dubai, United Arab Emirates, kung saan maraming OFW ang boluntaryong nagpalista upang makauwi sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa rehiyon.
Sa kabuuan, umabot na sa 2,099 OFWs at kanilang mga pamilya ang napauwi ng pamahalaan sa ilalim ng whole-of-government repatriation effort mula noong Marso 5, 2026.
Pagdating sa bansa, tumanggap ang mga repatriate ng financial at welfare assistance mula sa DMW at OWWA.
Nagbigay naman ng medical assistance ang Department of Health (DOH) at psychosocial support ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tiniyak din ng DMW ang patuloy na pagbibigay ng reintegration support upang matulungan ang mga OFW na makapagsimulang muli sa bansa.
(CHRISTIAN DALE)
106 