TARGET ng pamahalaan na mabakunahan ang 1.8 milyong senior citizens sa buong bansa sa oras na simulan na ang “fourth wave” ng Bayanihan, Bakunahan national vaccination drive ngayong buwan.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje na ang Bayanihan, Bakunahan 4 ay idaraos sa Marso 10, 11, at 12, kung saan kasama na ngayon ang mga nasa bahay at tanggapan.
Prayoridad para sa round na ito ng nationwide inoculation drive ang mga lolo’t lola na hindi pa rin nakokumpleto ang kanilang primary dose series at iyong nakatakdang makatanggap ng booster shots.
“Ang total na second dose, ‘yung makamit na second dose ng ating A2 o senior citizens, tsaka mga booster, naglalaro sa 1.8 milyon ang tinitignan nating kayang-kayang gawin dapat ng ating mga local government units (LGUs) katuwang ng lahat ng ahensya at private sector,” ayon kay Cabotaje.
Sinabi ni Cabotaje na nakapagtala lamang ang LGUs sa mga nakalipas na linggo ng 300,000 individuals na nabakunahan kumpara sa nagdaang 1 million hanggang 1.5 million indibidwal.
Aniya, karamihan sa mamamayan ay nawalan na ng “sense of urgency” pagdating sa booster shots.
Giit ni Cabotaje na patataasin nila ang pagbabakuna para sa primary series at booster shots bago magsimula ang campaign period para sa mga kandidato sa mababang kapulungan ng Kongreso at local elective posts sa Marso 25.
“From now up to that time, bilis-bilisan natin. Ang gagawin nating estratehiya starting with our NVD part 4 ay mas contextualized at granular ika nga. Ngayon, aaralin natin ano ba ang sitwasyon ng mga barangay, ng ating munisipyo, ng ating probinsya. Saan ba siya nagkukulang?” aniya pa rin.
Aniya, nakatutok ang pamahalaan na mabigyan ng booster shots ang mga lugar na nakaabot lamang sa 70% target population, at primary series para sa mga lugar na may mababang vaccine rates.
Tiniyak naman ni Cabotaje na may sapat na suplay ng bakuna ang bansa.
Samantala, puntirya ng pamahalaan na gawing fully vaccinated laban sa COVID-19 ang 77 milyong Pilipino sa pagtatapos ng Marso at 90 milyon naman bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Hunyo 30. (CHRISTIAN DALE)
