1 PANG BIKTIMA NG HULIDAP NG MPD COPS DUMULOG SA NAPOLCOM

DUMULOG sa tanggapan ng National Police Commission ang isa pang delivery rider na biktima ng hulidap ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).

Nakilala ang bagong complainant na si Nicole Owen Solleza, na sinuportahan ng naunang delivery rider na si alyas “Chester” na hinuli rin ng kaparehong grupo ng mga pulis noong Setyembre 9.

Nauna nang naghain ng reklamo sa Napolcom si alyas “Chester” noong Setyembre 12 laban sa mga pulis na nanghuli sa kanila.

Batay sa salaysay ng bagong complainant na si Solleza, ilegal umano ang pagdakip sa kanya ng 11 pulis na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Manila Police District (DEU-MPD), na bukod sa sinaktan ay ninakawan pa umano siya.

Inihayag ni Solleza, sabay silang dinampot ni alyas “Chester” nitong Setyembre 9 sa Sampaloc, Maynila at isinakay sa tig-isang sasakyan.

Aniya, nagpakilalang mga pulis ang kalalakihan habang nasa biyahe sila, tinutukan siya ng baril, binugbog at tinakot.

Kinuha umano ng nasabing mga pulis ang P10,000 cash na kanyang suweldo, cellphone at motorsiklo.

Matatandaan na nakatakas si alyas “Chester” habang ang kanilang sinasakyan ay pabalik na ng Sampaloc.

Sa ngayon, sinampahan na ng kasong administratibo ang grupo ng nasabing pulis habang sinibak naman ang 19 na pulis na buong puwersa ng DEU-MPD habang gumugulong ang imbestigasyon sa insidente.

(TOTO NABAJA)

31

Related posts

Leave a Comment