1 PATAY, 1 SUGATAN SA AWAY SA PARKING

LAGUNA – Patay ang isang tricycle driver matapos na barilin ng may-ari ng tindahan na kanyang naparkingan sa harap sa Calamba Trade Center public market sa Calamba City noong Miyerkoles ng umaga.

Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Odonio Sario Jr., 36, dahil sa tatlong tama ng bala sa likod.

Batay sa report ng Calamba City Police, dakong alas-5:30 ng umaga nang iparada ng biktima ang kanyang tricycle sa harap ng fruit stand ng suspek na si Ronie Evasco.

Ikinagalit ng suspek ang pag-parking ng biktima dahil nahaharangan umano ang kanyang tindahan.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang sitwasyon hanggang sa nagbunot ng baril ang suspek.

Nagpaputok muna ito nang pababa para takutin ang biktima subalit tumalbog ang bala sa semento at tinamaan sa paa ang bystander na si Robert Samalla.

Patakbo na ang biktimang si Sario nang tatlong beses itong barilin sa likuran ng suspek.

Isinugod ang dalawang biktima sa ospital subalit dead on arrival si Sario. Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril. (NILOU DEL CARMEN)

159

Related posts

Leave a Comment