1 PATAY, 5 SUGATAN SA SALPUKAN NG 2 TRUCK

QUEZON – Isa ang patay habang lima pa ng nasugatan matapos magsalpukan ang dalawang truck at nadamay ang isang motorsiklo sa aksidenteng nangyari bandang alas-10:20 ng gabi noong Martes sa Quirino Highway, Barangay Sta. Cecilia, sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigan.

Ayon sa imbestigasyon ng Tagkawayan Police, binabaybay ng motorsiklo na sinasakyan ng isang lalaki at isang babae na mga residente ng Brgy. Mapulot, Tagkawayan Quezon, ang kalsada patungong Bicol direction nang sinubukang mag-overtake ng isang boom truck na minamaneho ng isang nagngangalang “Jayson”.

Subalit biglang nagkaroon umano ito ng problema sa preno kaya’t nawalan ng kontrol ang truck at bumangga sa motorsiklo, bago tuluyang sumalpok sa isa pang kasalubong na truck at saka tumagilid sa gitna ng highway.

Sa lakas ng impact, parehong wasak ang unahan ng dalawang truck at agad binawian ng buhay ang nagmamaneho ng boom truck.

Napinsala rin ang dalawang sakay ng motorsiklo gayundin ang driver ng pangalawang truck at ang parehong pahinante ng dalawang sasakyan, na lahat ay dinala sa Maria Lourdes Eleazar General Hospital.

Nagdulot din ng halos apat na oras na pagsisikip sa daloy ng trapiko sa lugar dahil sa paghambalang ng dalawang truck.

(NILOU DEL CARMEN)

58

Related posts

Leave a Comment