MAY hawak na matibay na ebidensya ang Prosecution team ng Kamara sa pitong (7) Articles of Impeachment laban Vice President Sara Duterte kaya hindi ito maituturing na political persecution.
Sagot ito ng isa sa 11 prosecutor na si Batangas Rep.Beatrix “Jinky” Luistro sa pahayag ni Duterte na alam umano ng mga Pilipino na political persecution lang ang ginagawa ng gobyerno sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Kung walang ebidensya, that is political prosecution. Pero kung may ebidensya, that is a legitimate prosecution. As far as we are concerned, we have ample and strong evidence supporting the Seven Articles of Impeachment,” anang mambabatas.
Sinabi nito na hindi basta-basta magsasampa ng impeachment case ang Kongreso na walang matibay at malakas na ebidensya at ihaharap nila ang mga ito sa Impeachment Court kapag nagsimula na ang paglilitis.
Huhusgahan ng Taumbayan
Samantala, hindi na ikinagulat ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan 44% sa 1,200 respondent ang naniniwalang sinasadya ng mga senador na idelay ang paglilitis habang 25% lamang ang hindi naniniwala.
Ayon sa bagitong mambabatas, hindi nito masisi ang sentimyento ng mamamayan dahil kahit sila ay naiinip na makita ang mga ebidensya laban kay Duterte kung saan kasama umano ang mga ito sa huhusga.
“Kailangan ng sambayanang Pilipino makita kung ano ang ebidensya kasi sa isang impeachment na trial, hindi lang naman ang mga senator-judge ang naghuhusga, lahat ng mga Pilipino ay naghuhusga din—tulad ng mga nangyaring impeachment noon, halos lahat ay dikit at pinapanood ang proceedings, at sa tingin ko ‘yun din ang hinihintay ng lahat sa ngayon,” litanya ni Diokno.
Kung si Luistro naman ang tatanungin, may survey man o wala ay responsibilidad ng Impeachment Court na litisin ang mga impeachment case na inakyat sa kanila ng Kamara dahil ito ang mandatong ibinigay sa kanila ng Saligang Batas.
“Well, I have said this earlier, regardless of the result of the survey, we have a constitutional duty that we really have to face. There is nothing which is more supreme than the Philippine Constitution. Sapagkat ito ang mandato ng taong bayan,” ani Luistro.
(BERNARD TAGUINOD)
208 