KALABOSO ang isang lalaki makaraang ikasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang buy-bust operation sa Davao Del Sur na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.
Kinilala ni CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III ang suspek na si “Hassan”, residente ng Brgy. Linuk, Madalum, Lanao del Sur, umano’y isang gunrunner na ang mga kliyente ay mga politiko sa buong Mindanao.
Inaresto ang suspek bilang bahagi ng pinaigting na operasyon ng pulisya laban sa loose firearms at gunrunning activities sa buong bansa, ng CIDG Davao City Field Unit kasama ang CIDG Davao del Sur Provincial Field Unit at iba pang territorial police unit, sa buy-bust operation dahil sa paglabag sa Republic Act 10591, sa Brgy. Zone-3, Digos, Davao del Sur noong Mayo 26, 2025
Nakuha kay Hassan ang sampung loose firearms kabilang ang 1 caliber 9mm sub-machine gun at 9 units ng caliber 9mm revolver.
Pinuri naman ni Torre ang CIDG Davao City Field Unit at CIDG Davao del Sur Provincial Field Unit at pinagsamang territorial police unit sa matagumpay na operasyon.
(TOTO NABAJA)
