KINUMPIRMA ng pulisya nitong Martes na nadakip na ang lahat ng 10 preso na nakatakas mula sa Batangas Provincial Jail.
Ang huling dalawang preso ay magkahiwalay na naaresto sa mga bayan ng Ibaan at Bauan nitong Martes ng umaga.
Naunang nahuli ang limang sumakay sa bus at tatlo pa sa bukid na nahuli rin kahapon.
Tumakas ang mga preso noong Lunes dahil umano sa hindi makataong pagtrato sa loob ng pasilidad.
Nangyari ang pagtakas habang ineeskortan ng isang jail guard ang mga preso. Dito umano, inagaw ng isa sa kanila ang baril ng guwardiya at tinutukan ng patalim.
Kinuha rin umano nila ang susi ng selda at ikinulong ang guwardiya.
Lima sa mga tumakas ay sumakay sa isang bus patungong Cubao.
Lunes ng hapon, isang dramatikong pag-aresto ang naganap matapos ang negosasyon sa limang PDL na sumakay sa isang pampasaherong bus ng ALPS Express na patungong Cubao.
Nagpanggap na ordinaryong pasahero ang mga suspek matapos tumakas.
Ayon kay PLt. Col. Marlon Cabataña, hepe ng Sto. Tomas City Police, walang nangyaring hostage-taking.
Matapos ang 20 minutong negosasyon, maayos na sumuko ang limang PDL na sakay ng bus sa STAR Tollway sa tapat ng C.R. sa Sto. Tomas City.
Kwento ng driver ng bus, punong-puno ang kanyang sasakyan nang biglang sumakay ang lima sa entry ng STAR Tollway sa Ibaan.
Wala raw siyang kaalam-alam sa nangyayari hanggang sa makatanggap siya ng tawag mula sa kanilang inspector na sinusundan sila ng mga pulis dahil sa presensya ng tumakas na mga preso. Agad siyang inutusan na huminto sa itinalagang lugar.
Labis na takot ang naramdaman ng driver sa pangambang matutukan ng baril, ngunit nilinaw na hindi naman sinaktan ang mga pasahero.
Nangyari ang pagtakas dakong alas-9:30 ng umaga noong Lunes, sa Batangas Provincial Rehabilitation Center (BPRC) sa Brgy. Malainin, Ibaan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Ibaan Municipal Police Station (MPS), habang inieskortan ng isang prison guard ang mga bilanggo patungo sa public utility room, biglang tinutukan ng ice pick ng isa sa mga PDL ang guwardiya at inagaw ang service firearm nito.
Sinamantala naman ng iba pang preso ang pagkakataon at sabay-sabay silang tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Quilo, Ibaan.
Ayon sa ilang naarestong PDL, sila umano ay binubugbog kaya napilitan silang tumakas.
Agad namang ipinag-utos ni Governor Vilma Santos-Recto ang malawakang imbestigasyon sa insidente.
Ayon kay Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, pinababantayan ng gobernador ang masusing pagsisiyasat sa nangyari sa bagong provincial jail.
Inilipat lamang sa pasilidad na ito ang 792 lalaking PDL noong Hunyo 24, 2025, mula sa kasalukuyang kulungan sa Batangas City, sa kabila na hindi pa umano kumpleto ang security protocols.
Ang mga nakatakas na preso ay nahaharap sa iba’t ibang kaso tulad ng murder, robbery, homicide, at illegal drugs. (NILOU DEL CARMEN)
200 