TULOY ang pagdinig ng House of Representatives Justice Committee sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte sa kabila ng petisyong inihain sa Korte Suprema.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng komite na wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng petisyon kaya’t hindi pa sila makapagbibigay ng komento.
Gayunman, iginiit ng komite na kinikilala nila ang Korte Suprema bilang final arbiter at susunod sila sa anomang magiging kautusan nito.
Binigyang-diin din ng komite na alinsunod sa Konstitusyon, ang House of Representatives of the Philippines ang may eksklusibong kapangyarihan sa impeachment cases.
Ayon sa komite, ang kasalukuyang pagdinig ay bahagi ng prosesong konstitusyonal at isinasagawa alinsunod sa due process.
Idinagdag pa na hangga’t walang utos ang Korte Suprema, ipagpapatuloy nila ang kanilang mandato.
Delaying Tactic — Ridon
Tinawag namang “delaying tactic” ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang petisyong inihain sa Korte Suprema upang pigilan ang impeachment proceedings.
Ayon kay Ridon, walang “legal personality” ang mga naghain ng petisyon upang kuwestiyunin ang proseso sa Kamara.
Ipinaliwanag niya na hindi akma ang paggamit ng taxpayer suit bilang batayan.
“Their claim of taxpayer status as basis for standing is misplaced. Taxpayer suits are recognized only in cases involving the illegal disbursement of public funds. No such disbursement is involved in impeachment proceedings,” paliwanag ng mambabatas.
“This petition is a clear diversionary tactic designed to deflect from the impeachment proceedings now underway against the Vice President,” aniya pa.
Giit pa ni Ridon, isa lamang itong diversionary tactic upang mailihis ang usapin mula sa reklamo laban sa bise presidente.
Pinagtanggol din niya ang kapangyarihan ng komite na maglabas ng subpoena para sa mga dokumentong may kaugnayan sa impeachment.
Samantala, iginiit naman sa petisyon ni Atty. Torreon na nagkaroon umano ng “double standard” nang ibasura ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngunit itinuloy ang laban kay Vice President Duterte.
(TINA MENDOZA)
107 