100% BIRTH REGISTRATION TARGET NG MUNTINLUPA

TINUTUTUKAN ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang 100% birth registration ng mga batang nasa Early Childhood Care and Development (ECCD) program sa ilalim ng kampanyang “Batang Rehistrado, Kinabukasan Sigurado.”

Ayon kay Mayor Ruffy Biazon, layon ng programa na marehistro ang lahat ng batang Muntinlupeño, lalo na yaong walang birth certificate, upang masiguro ang kanilang legal na pagkakakilanlan at karapatan bilang mamamayan.

Sa ilalim ng programa, libre ang birth registration at sasagutin ng lungsod ang lahat ng bayarin. Libre rin ang late registration para sa mga batang limang taong gulang pababa mula sa mahihirap na pamilya, habang may dalawang taong palugit ang edad anim hanggang labing-pito para magparehistro nang walang bayad.

Itinutulak din ng lokal na pamahalaan na obligahin ang lahat ng ospital at lying-in na irehistro ang mga bagong silang na sanggol bago umuwi.

“Kapag walang birth certificate, parang hindi ka umiiral sa mata ng lipunan,” ani Biazon. “Hangga’t ako ang mayor, walang batang Muntinlupeño ang lalaking hindi nakikita.”

(Danny Bacolod)

9

Related posts

Leave a Comment