100 BODY CAMS NA DONASYON SA MAYNILA GAGAMITIN NG TRAFFIC ENFORCERS

MALUGOD na tinanggap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang 100 body cameras na ipinagkaloob ng Canton Chamber of Commerce Philippines sa lokal na pamahalaan ng Maynila.

Ito ay partikular na gagamitin ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa kanilang araw-araw na trabaho.

Ayon kay Domagoso, makatutulong ang body cameras upang maiwasan ang mga pagtatalo tungkol sa mga traffic violation.

Makikita o mare-record din ang mga kamote driver, mga pasaway na motorista at mga kotongerong enforcer.

Kasabay nito, ipinaalala ni Mayor Isko Moreno sa mga tauhan ng MTPB na gawin nang maayos ang trabaho at tumulong sa pagsasaayos sa daloy ng mga sasakyan, at huwag puro panghuhuli lamang ang isagawa.

Samantala, ipinirisinta ni Mayor Isko sa media at publiko ang ilang mga suspek sa krimen na naaresto ng mga tauhan ng MPD.

Layunin nito na maipakita ang transparency sa ginagawang hakbang ng Manila LGU sa pagtugis sa mga gumagawa ng kahit anong krimen sa lungsod.

Paraan din ito upang mapanatag ang mga residente ng Maynila at magdalawang-isip ang nagbabalak na gumawa ng krimen.

Kabilang sa mga iniharap ni Mayor Isko ay ang kumadrona na nagsagawa ng ilegal na pagtutuli na ikinamatay ng isang bata sa Tondo, mga sangkot sa ilegal na droga at lalaking wanted sa kasong rape.

Kasabay nito, binigyan ng pagkakataon ng alkalde na magpaliwanag ang kapitan ng Barangay 122, Zone 19 sa Tondo na si Chairman Rodleio Yu na nagpaputok ng baril sa isinagawang clearing operation sa kanyang lugar.

Giit ng kapitan, nagawa niyang magpaputok ng baril dahil sa hindi pagsunod at pagsugod ng ilang residente sa clearing operation sa kanilang nasasakupan.

Umaasa si Yorme Isko na mareresolba ang problema sa maayos na paraan.

(JOCELYN DOMENDEN)

107

Related posts

Leave a Comment