ISA ang namatay habang mahigit isang libong pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang sumiklab ang sunog sa Port Area, Manila noong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Ricky Sebastian, 40, natagpuan ang bangkay sa isinagawang clearing operation ng mga tauhan ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection kinabukasan.
Ayon sa ulat, bandang alas-5:45 ng hapon noong Miyerkoles nang magsimula ang sunog sa ika-4 na palapag ng bahay ng isang Hadji Usman sa panulukan ng 11th St. at Railroad St. sa Port Area sa likod ng Philippine Red Cross.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago idineklarang fire under control dakong alas-7:44 ng gabi at idineklarang fire-out dakong alas-2:26 ng madaling araw nitong Huwebes.
Masusing iniimbestigahan ng Arson Division kung may kinalaman ang insidente sa laganap na “jumper” o ilegal na koneksyon ng kuryente sa lugar. (RENE CRISOSTOMO)
