Bizzness Corner ni JOY ROSAROSO
KUNG hanap mo ay sariwang hangin, magandang tanawin at tahimik na lugar, go na sa Casa Brisa.
Bagong-bago ang Casa Brisa, itinayo ito nito lang nakaraang taon, 2022, bagaman hindi pa tayo nakababangon sa pandemya, at ang purpose sana ay maging tirahan. Ngunit dahil naisip ng may-ari nito na kumita, converted na ngayon bilang staycation ang kanilang tirahan. Isa itong modern 2-storey na may tatlong kwarto.
Kinarir ng owner ng Casa Brisa ang pag-develop dito kaya anomang season ay patok ito sa mga naghahanap ng panandaliang matutuluyan sa kanilang pagbabakasyon o weekend adventure.
Swak ito sa magkakapamilya, magtotropa o kahit maliit na grupo na gusto ng privacy.
Ano ang ipinagkaiba ng Casa Brisa sa mga iniaalok na staycation ng iba? Una, ang kanilang ambiance; pangalawa, ang fresh juices na pang-welcome sa kanilang mga guest. Dito ay makikita mo na pinipitas sa paligid ang prutas na pagkukunan ng juice tulad ng dragon fruit, jackfruit o langka, bignay, blackberry at marami pang iba.
Sariwa at natural talaga ang kanilang juice dahil walang halong sugar.
Napakaganda rin ng paligid at para kang nasa forest pero napakalinis. Ang Casa Brisa ay napaliligiran ng green at black bamboo at humahalo ang iba’t ibang kulay ng mga bulaklak kaya colorful, at maraming tanim na mga gulay na malalaki ang bunga dahil mataba at may mineral ang lupa.
Marami nang mga papuri ang natanggap ng Casa Brisa dahil totoo namang nakare-relax ang kanilang lugar.
Masarap ding matulog sa kanilang mga kwarto kaya tanggal stress talaga.
Ayon sa management ng Casa Brisa, araw-araw silang nagdi-disinfect upang masiguro ang kalusugan ng mga guest. Meron ding hot water dahil mataas ang lugar at malamig.
Kung gusto mong makita ang paligid ay maaaring tumambay sa roof deck kung saan ay matatanaw mo ang buong paligid.
Nag-aalok din sila ng masahe at mayroon silang health therapist bukod pa sa chef na ubod nang sarap magluto.
Para ka nga raw nasa hotel kapag nag-stay sa kanilang lugar. Ang Casa Brisa ay matatagpuan sa Barangay Taysan, Legazpi City, Albay.
Hindi lang ganda at bonggang amenities ang alok ng Casa Brisa dahil very affordable din sila.
Patok na puntahan ng magkakapamilya o magbabarkada ang lugar. I-google n’yo lang at makikita n’yo ang amazing place na ito.
