(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL maraming guro sa bansa ang naglalabas ng sariling pera para sa kanyang teaching materials, nais ng isang mambabatas sa Kamara na itigil na ito at sa halip ay bigyan na lamang ng tig-P10,000 ang mga ito lalo na’t hindi kalakihan ang kanilang suweldo.
Ito ang nakapaloob sa House Bill Bill 3449 o “Teaching Supplies Allowance Act” na iniakda ni Deputy Speaker Vilma Santos-Recto ng Batangas upang hindi na mabawasan ang suweldo ng may 840,000 public school teachers sa buong bansa.
“Aside from spending for their personal and family needs, teachers also have to shell out some more money from their own pockets for the materials they use in teaching,” ani Santos-Recto sa kanyang panukala.
Sa ngayon ay P3,500 lamang ang teaching allowance ng mga guro na ginagamit para sa pagbili ng mga materyales sa pagtuturo subalit hindi na umano ito kasya dahil maging ang mga gamit sa pagtuturo ay nagmamahal na rin.
Dahil dito, marami o halos lahat aniya ng mga public school teachers ay naglalabas ng sariling pera para makibili ng mga materyales sa pagtuturo subalit hindi umano ito dapat nangyayari.
Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi kalakihan ang sahod ng mga public school teachers sa bansa kaya kung babawasan pa nila ito para pambili ng teaching materials ay hindi na umano ito makatarungan sa kanila.
Sa ngayon ay higit P20,000 lamang ang sahod ng isang Teacher 1 sa public schools kaya nais ng kanilang mga kaalyado sa Kongreso na itaas ito sa P30,000 upang magkaroon ang mga ito ng disenteng pamumuhay.
Nais ni Santos-Recto na ilibre sa Value Added Tax (VAT) ang teaching allowance ng kanyang ipinapanukala upang buong-buong matatanggap ito ng mga public school teachers.
203