APAT na Chinese nationals na kidnap for ransom victims, ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group sa magkahiwalay na rescue operation sa Quezon City at Pampanga noong Miyerkoles ng gabi.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, arestado sa nasabing operasyon ang 11 suspek na kinabibilangan ng Chinese at Malaysian nationals at ilang Filipino.
Ayon sa inisyal na ulat na ibinahagi ni PNP-AKG spokesman, P/Lt. Col. Rannie Lumactod, nagkaroon ng ‘break’ sa kaso nang makatangap ng intelligence information ang PNP – Anti-Kidnapping Action Committee.
Sinasabing isa sa mga mino-monitor na KFR victims ang nakatakdang dalhin sa isang diagnostic center sa Quezon City para sumailalim sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o swab test.
Bunsod nito, isang rescue operation ang ikinasa ng mga tauhan ni BGen. Estomo na nagresulta sa pagkakasagip sa biktimang si alyas “Ming” at pagkakadakip sa mga kidnapper nito na sina Liang Khai Chean, 28-anyos, Malaysian; Chinese national na si Mou Yun Peng, 35, at Benjie Labor, 43, isang Filipino.
Sinasabing nagpa-swab test umano ang mga ito dahil may balak na umalis ng bansa.
Nabatid na bahagi ng modus ng Chinese KFR syndicate na pabalikin ng China ang kanilang mga naging biktima oras na nagkabayaran para iligaw ang imbestigasyon.
Sa isinagawang ‘de-briefing’ sa biktima, nabulgar na may iba pa siyang mga kasamang KFR victims at nasa isang safehouse sa Mexico, Pampanga.
Sa follow-up operations ng PNP-AKG, sinalakay ang bahay na itinuro ng unang nasagip na biktima, sa Sta. Cruz sa bayan ng Mexico.
Dito na-rescue ng mga awtoridad ang tatlo pang mga biktima na kinilala sa alyas na “Zhang”, “Shi” at “Wu”.
Nahuli sa nasabing safehouse ang mga kidnapper na kinabibilangan ng dalawang Chinese at anim na mga Pinoy.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-AKG Headquarters sa Camp Crame, Quezon City ang mga suspek. (JESSE KABEL)
191
