SENADO NAGKAISA SA PAGTATATAG NG CRISIS RESPONSE PANEL

NAGKAISA ang mayorya at minorya ng Senado upang agarang aprubahan ang isang resolusyon na naglalayong palakasin ang maagap na pagtugon ng pamahalaan sa mga krisis.

Inaprubahan ang Senate Resolution No. 350 na inakda nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Layunin ng resolusyon na magtatag ng isang ad hoc committee na tututok sa mas proactive na crisis response.

Ayon sa mga senador, napapanahon ang hakbang sa gitna ng tumitinding banta sa loob at labas ng bansa, kabilang ang tensyon sa Middle East na maaaring makaapekto sa suplay ng langis, trabaho, at presyo ng mga bilihin.

Tinawag ng Minority Bloc, kabilang si Senador Rodante Marcoleta, ang resolusyon bilang isang “timely and necessary measure” para sa kahandaan ng bansa.

Nagpahayag din ng suporta sina Senador Joel Villanueva, na nagsabing “very timely and important” ang inisyatiba, at Senador Robinhood Padilla, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Iginiit naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng maagap na pagkilos upang maiwasan ang mas malalang epekto ng mga krisis.

Sa ilalim ng resolusyon, bubuo ang Senado ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT), isang ad hoc body na binubuo ng mga chairperson ng lahat ng Senate committees, kabilang ang mga may kinalaman sa agrikultura, enerhiya, at kalakalan.

Inatasan ang panel na tumulong sa pagbuo ng isang komprehensibong national contingency plan.

Ayon kay Cayetano, layunin ng hakbang na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng national government agencies, local government units, at pribadong sektor, habang mananatili sa Executive branch ang implementasyon ng mga programa.

Inaasahan ding magsasagawa ng mga pagdinig ang komite, kukuha ng input mula sa iba’t ibang sektor, at maghahain ng mga rekomendasyon upang mas mapahusay ang kahandaan ng bansa sa mga susunod na krisis.

214

Related posts

Leave a Comment