11th ASEAN Para Games 144 PINOY ATHLETES PALABAN

KABUUANG 144 Pinoy ­para-athletes ang sasabak sa 11th ASEAN Para Games mula Hulyo 30 hanggang Agosto 6 sa Surakarta, Indonesia.

Sinabi ni Philippine Paralympic Committee President Mike Barredo, sabik nang lumaban ang Team Philippines.

“Ito ay isang gutom na koponan, isang fighting team na sabik na ipakita ang kanilang mga kakayahan at talento matapos mawalan ng internasyonal na kompetisyon sa loob ng mahigit dalawang taon dahil sa pandemya ng COVID-19,” pahayag ni Barredo.

Isasagawa ang ASEAN Para Games pagkatapos ng limang taon. Huli itong ginanap sa Malaysia noong 2017 kung kailan nag-uwi ang Pinoy para-athletes ng 20 ginto, 20 pilak, at 29 tansong medalya.

Itinatakda ang 2019 edition sa Pilipinas ngunit kinansela ito sa kakulangan ng badyet at paglaganap ng covid.

Umatras din ang ­Vietnam na i-host ang Para Games ngayong taon sa kaparehong dahilan, kaya’t napili ang Indonesia na pagdausan ng biennial meet para sa athletes with disability.

Pinakamaraming bilang ang PH delegation ngayon sa pangunguna nina Paralympians Jerrold Mangliwan ng wheelchair racing at Jeanette Aceveda ng discus throw.

Ang chess team ay may 22 woodpushers kabilang si 2017 ASEAN Para Games triple gold medalist at FIDE Master Sander Severino; table tennis 13 atleta; men’s at women’s wheelchair ­basketball- 12 at 11 cagers, ayon sa pagkakasunod.

Una sa 12 para-swimmers si Paralympian at decorated tanker Ernie Gawilan; sitting volleyball 10 atleta; archery 9; badminton at powerlifting tig-8; goalball 6; judo 5; at boccia 4 atleta.

Nagpasalamat naman si Barredo sa Philippine Sports Commission sa pagbubukas sa PhilSports Complex, Pasig City para sa training bubble ng para-athletes. (ANN ENCARNACION)

232

Related posts

Leave a Comment