NAKASIKWAT ang Team Pilipinas ng magkasunod na gold medal sa pamamagitan nina two-time Paralympian Ernie Gawilan at bagitong si Roland Sabido sa 11th ASEAN Para Games swimming event sa Surakarta, Indonesia.
Inangkin ni Gawilan ang unang ginto ng bansa sa 400m freestyle S7, bago sinundan ng ikalawang ginto ni Sabido sa 400m freestyle S9.
Lumangoy ng silver medal si Arnel Aba sa 400m freestyle S9, habang bronze si Edwin Villanueva sa 400m freestyle S8, at bronze medal din si Daniel Enderes Jr. sa athletics men’s 5000 T20.
Una rito, nagkasya sa silver ang Pilipinas men’s 3×3 wheelchair basketball team, kinapos sa Thailand, 12-21.
Kabuuang 32 gintong medalya ang nakataya sa athletics, swimming at powerlifting sa Para Games.
Kabilang sina Tokyo Paralympians Jerrold Mangliwan at Jeanette Aceveda ng track and field sa makikipag-agawan naman sa 20 golds sa centerpiece event. (ANN ENCARNACION)
135