HINDI residente ng Maynila kundi isang guro mula Pasay ang dumulog sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang matinding pagtaas ng garbage fee sa lungsod na pinamumunuan ni Manila Mayor Isko Moreno.
Sa petisyong inihain ni Barry Tayam, hiniling nito sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas ng temporary restraining order (TRO) upang ipatigil ang pagpapatupad ng mas mataas na singil sa basura.
Nais din ng petitioner na ideklarang null and void o ipawalang-bisa ang Manila City Ordinance No. 9151 dahil umano sa pagiging iligal at labag sa Konstitusyon.
Hiniling din ni Tayam na itigil ang pangongolekta ng bagong bayarin at atasan ang City Treasurer ng Maynila na isauli ang mga nakolektang garbage fee mula nang ipatupad ito sa 2026 business permit renewal period.
Ayon sa guro, nagdulot ng matinding banta sa mga negosyante ang pagtaas ng singil na nakaapekto sa libu-libong establisimyento sa lungsod.
Iginiit pa nito na nagkaroon umano ng grave abuse of discretion ang lokal na pamahalaan matapos hindi sundin ang mandatory publication requirements at umano’y nilaktawan ang papel ng mga barangay sa waste segregation at koleksiyon.
Mula Enero, umabot umano sa mahigit 1,200 porsyento ang itinaas ng garbage fee na ikinagulat ng mga negosyanteng nag-renew ng kanilang permit.
Nauna nang ipinaliwanag ni Moreno na kinakailangan ang pagtataas ng singil dahil sa pagmahal ng gastos sa koleksyon ng basura.
(JULIET PACOT)
2
