SUSPENSYON NG VAT AT EXCISE TAX SA LANGIS DAPAT AUTOMATIC – SEN. ERWIN TULFO

SA gitna ng tensyon sa Gulf Region na inaasahang mag-uudyok ng pagtaas ng presyo ng langis, hinimok ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo na suspendihin na ang Value-Added Tax (VAT) at Excise Taxes sa langis.

Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sersertipikahan niya bilang “urgent” ang isang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng pansamantalang kapangyarihan upang bawasan ang excise taxes sa mga produktong petrolyo.

“Ang hakbang na ito ay nagtatakda ng malinaw na batayan para sa tulong, lalo na sa mga hindi inaasahang kaganapan sa labas ng bansa na may malaking epekto sa presyo ng langis, gaya ng nangyayari ngayon sa Gulf Region,” ani Tulfo.

Binigyang-diin din niya na ang panukala ay magsisilbing pansamantalang ginhawa lalo na para sa mga minimum-wage earners. Ayon sa kanya, kailangang magkaroon ng balancing act dahil emergency ito, at dapat tiyakin na ang kapakanan ng mga karaniwang Pilipino ang prayoridad sa gitna ng krisis.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1935 ni Tulfo na naglalayong amyendahan ang Sections 106, 107, at 148 ng Tax Code, ang VAT sa pagbebenta ng langis ay sususpendihin kapag ang average na presyo ng Dubai Crude Oil batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ay umabot sa 80 USD bawat bariles.

Kasabay nito, ang VAT sa importasyon ng langis ay isinusulong ding suspendihin kapag ang MOPS ay umabot o lumampas sa nasabing halaga. Hangad din ng bill ni Tulfo na awtomatikong itigil ang pagkolekta ng excise taxes sa langis na ipinapataw sa bansa kapag ang pandaigdigang presyo ay umabot o lumampas sa 80 USD.

Ayon sa mambabatas, sa ating mga umiiral na batas ay walang awtomatikong mekanismo na nagpoprotekta sa mga mamimili kapag biglang tumataas ang presyo ng langis sa mundo. Ang patuloy na pagpataw ng 12% VAT at excise taxes sa petrolyo sa panahon ng matinding pagtaas ng presyo ay magkakaroon ng malubhang epekto sa mga konsyumer.

Matatandaang sa pagsiklab pa lamang ng tensyon sa pagitan ng US-Israel at Iran, nanawagan na si Sen. Erwin ng agarang tulong at konsultasyon sa lahat ng stakeholder, kabilang ang mga driver ng PUV, magsasaka, at mangingisda, at hindi lamang sa mga may-ari ng kumpanya ng langis.

115

Related posts

Leave a Comment