UMABOT sa halos 130,000 pasahero ang nakinabang sa unang araw ng libreng sakay ng jeep sa Maynila noong Lunes, Marso 30.
Sa huling datos na iniulat ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, nasa 129,665 pasahero ang napagsilbihan hanggang alas-9:30 ng gabi noong Lunes.
Layon ng libreng sakay program ng pamahalaang lungsod na maibsan ang dinaranas na hirap ng mga Manileño sa gitna ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.
Sa nasabing programa, sinabi ng alkalde na sabay-sabay na makikinabang ang apat na sektor kabilang ang mga driver, operator, commuter at gasolinahan.
Ayon kay Domagoso, garantisado ang boundary ng mga operator sa ilalim ng programa at sasagutin ito ng pamahalaang lungsod.
Para naman sa mga driver, mula sa karaniwang P200 hanggang P300 na netong kita kada araw, itinaas ito sa hindi bababa sa P1,000 na garantisadong kita. Ibinibigay ang kalahati ng bayad bago bumiyahe, at ang natitirang kalahati ay ibinibigay matapos ang kanilang biyahe.
Ang libreng sakay na mga jeepney ay umiikot sa anim na distrito ng Maynila habang ipinatutupad ang programa.
(JOCELYN DOMENDEN)
48 