PAMPANGA – Labing-apat na Chinese nationals ang inaresto ng pulisya matapos mahuli sa aktong nagsusugal ng Poker sa Angeles City nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay PRO3 Police regional Director, P/BGen. Valeriano De Leon, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Regional Field Unit-Region 3, CIDG Provincial Field Unit-Pampanga, Police Station 2 & 5 ng Angeles City Police Office ang 2nd Floor ng Seven-Eleven sa Friendship Highway, Brgy. Pampanga, Angeles City, Pampanga makaraang makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na pasugalan na nagresulta sa pagkakadakip ng 14 Chinese nationals.
Kinilala ni De Leon ang arestadong mga dayuhan na sina Harry Zhang, Frank Wang, Harry Wung, David Wang, Abu Deng, Abu Yang Jin, James Zhang, Zhou Bin, Yang Bing, Zho Ya, Lan Mi, Lao Hai Ping, Jacky Lau, at Henry Yuan.
Nakumpiska naman ang mga ebidensiya mula sa mga suspek kabilang ang isang unit ng Poker table; isang unit ng money counting machine; 7 piraso ng deck playing cards ng Poker; 2 cases na naglalaman ng assorted coin chips at 15 piraso ng P1,000 bills betting money.
Sabi ni P/Col. Rommel Batangan, city director ng Angeles City Police, nakumpiskahan din ng service firearms ang nakatalaga ritong private bodyguards.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa PD1602 as amended by RA 9287 (illegal gambling).
“PRO3 continues to mount full-scale operations against illegal gambling and strictly imposes the full force of the law as it steps up on its campaign against all forms of lawlessness to minimize criminality in every locality,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (ELOISA SILVERIO)
