INIHAYAG ng Quezon City government na umabot sa 149 katao ang na-diagnosed na may sakit na HIV sa Quezon City, dahil sa hindi maingat na pakikipagtalik.
Sinabi ito ni Sarah N. Conclara, Special Surveillance Officer ng Quezon City Health Department.
Sa ginanap na QCJI forum nitong Martes, sinabi ni Conclara, ang mga nagpositibo sa HIV ay nasa pagitan ng edad 15 hanggang 24-anyos at na-monitor ito sa buwan ng Enero hanggang Mayo 2025.
“Aabot sa 149 ang na-diagnosed ng HIV sa QC,” ayon kay Conclara.
Sinabi pa ni Conclara, isa sa dahilan ng pagkakaroon ng HIV ng mga nagpositibo ay dahil sa hindi maingat na pakikipagtalik.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Francis See ng isang clinic sa Novaliches, ang pagtaas ng kaso ng HIV ay maa-attribute sa curiosity ng mga kabataan at dulot ng environment, social media at mga dating app.
Dahil dito, hinikayat ni Dr. See na isama ang proper sex education sa curriculum sa mga paaralan at hinikayat din nito ang mga kabataan na mag-enroll sa maagang gamutan.
Kadalasan umanong nakukuha ang nasabing sakit sa male to male transmission.
Idinagdag pa ni Dr. See, kahit ang edad ay 15 to 16 ay pwede nang magpa-test ‘if they are consenting individual’.
(PAOLO SANTOS)
