TINATAYANG aabot sa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog sa Baseco Compound, Port Area, Manila umaga nitong Biyernes.
Nabatid sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog bandang alas-9:00 ng umaga na umabot sa unang alarma at idineklarang fire under control dakong alas-9:41 ng umaga.
Ayon sa ulat ng BFP, nagsimula umano ang sunog sa ika-2 palapag ng bahay ng isang Ria Pelandiana sa Blk. 1, Aplaya sa Baseco Compound.
Pagkaraan ay mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa 15 kabahayan.
Wala namang iniulat na namatay o nasugatan sa nabanggit na sunog.
Patuloy na iniimbestigahan ang posibleng sanhi ng sunog upang mabatid kung sinadya o faulty wiring ang tumupok sa mga kabahayan. (RENE CRISOSTOMO)
348 