BULACAN – Mahigit P1.1 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Marilao Police sa isang security guard at kasabwat na electrician sa buy-bust operation sa Barangay Ibayo, Marilao, Bulacan kahapon ng madaling araw, habang 15 pang drug personalities ang nakorner din sa serye ng drug bust operations sa isang siyudad at limang bayan sa lalawigang ito noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, ang naarestong drug pushers ay kinilalang sina Mark Kamsa, 27-anyos, security guard, ng Baseco Compound, Barangay 649, Manila, at Jonathan Adona, 36-anyos, electrician, ng Barangay Lias, Marilao, kapwa nakakulong na at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Nabatid na dakong ala-1:00 ng madaling araw noong Biyernes nang magkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng DEU ng Marilao PNP at PDEA SOU3 sa Barangay Ibayo, Marilao at nakipagtransaksyon ang dalawang suspek sa undercover policeman sa superbisyon ni P/Lt. Col. Bernardo Pagaduan, Marilao Police chief, at nakorner ang sekyu at kasama nito.
Nakuha sa dalawang suspek ang umano’y shabu na may bigat na 160 gramo at may Dangerous Drug Board (DDB) value na P1.088,000 habang P111,090 halaga ng droga ang nakumpiska rin ng mga operatiba ng DEU at PDEA SOU3 sa serye ng buy-bust operations sa Malolos City, Paombong, Baliwag, Calumpit, Marilao at Norzagaray na nagresulta ng pagkakadakip sa 15 drug suspects at pagkakakumpiska ng 44 pakete ng shabu na may DDM value na P111,090. (GINA BORLONGAN)
196 