UMABOT na sa 18.2 milyong Filipino ang nabakunahan kontra COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Iniulat ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na simula noong Marso 1 hanggang Setyembre 18, 2021 ay umaabot na sa 40.9 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa mamamayan.
Sa bilang na ito, 22.6 milyon aniya ang itinurok bilang first dose habang 18.2 milyon naman ang nakakumpleto na ng bakuna.
Umaabot naman sa 59 milyong doses ng COVID-19 vaccines mula sa iba’t ibang international manufacturers ang dumating sa bansa.
Kabilang sa mga ito ang Sinovac, AstraZeneca, Pfizer, Moderna, Sputnik V at Johnsons & Johnsons.
Sa pagtatapos ng taon ay tinatayang makatatanggap pa ang Pilipinas ng 195 milyong doses ng COVID-19 vaccines.
Kaugnay na rin ito ng plano ng pamahalaan na mabakunahan ang 70 milyong Filipino. (RENE CRISOSTOMO)
299
