NAKAUWI na sa bansa ang labing-walong overseas Filipino workers (OFWs) na patungo sana sa Jordan at Israel ngunit hindi pinayagang mag-transit sa Dubai at sinalubong sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ni Kalihim Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang mga nagbalik na OFW ay agad binigyan ng tulong, kabilang ang pinansyal na suporta, transportasyon, at pansamantalang tirahan sa Maynila sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pinamumunuan ni Administrator Atty. PY Caunan.
Dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, lalo na sa mga lugar na apektado ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran, muling nanawagan ang mga grupong tagapagtanggol ng OFW tulad ng OFW JUAN at AKO OFW Inc. para sa pansamantalang travel ban sa mga bansang apektado ng digmaan.
“Magiging malaking hamon ang malawakang repatriation kung hahayaan nating patuloy na magpunta ang mga Pilipino sa mga bansang may digmaan,” ayon kay Dr. Chie Umandap, Tagapangulo ng AKO OFW Inc. “Para sa kapakanan ng ating mga manggagawa at pambansang seguridad, mas makabubuting pansamantalang ipatigil ang pagpapadala ng mga OFW sa mga delikadong destinasyon.”
Patuloy na binabantayan ng DMW at OWWA ang sitwasyon at aktibong nakikipag-ugnayan sa mga bansang host at kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
