18 SUGATAN SA PAGSABOG NG BODEGA NG PAPUTOK

UMABOT sa 18 katao ang sugatan matapos na sumabog ang isang bodega ng paputok kahapon ng madaling-araw sa Barangay Bundukan, Bocaue, Bulacan.

Ayon kay Bocaue Bureau of Fire and Protection (BFP), nangyari ang pagsabog dakong alas-2:10 ng madaling-araw na nagsimula sa bodega ng paputok na pag-aari ng isang Nenita Oprecio.

Nabatid mula kay Fire Senior Insp. Earl Mariano, Fire Marshal ng Bocaue BFP, nagsimula ang pagsabog nang mayroong mag-spark sa bodegang nabanggit at ilang minuto ang makalipas ay bigla na itong sumabog at unti-unti nang kumalat ang apoy sa mga kalapit-bahay.

Nabatid na 18 katao ang dumanas ng minor burn injuries at wala namang iniulat na namatay sa nasabing sunog na umabot sa ikalawang alarma.

Napag-alaman na marami umanong nakaimbak na mga paputok at finished fireworks products sa nasabing bodega kung saan nagkalat sa paligid ng pinangyarihang insidente ang fireworks materials gaya ng mga luces at fountain.

Ayon sa mga saksi, nakarinig ang mga residente ng malakas na pagsabog na nagdulot ng pagkasira ng mga bintana at kisame ng mga kalapit-bahay.

Hinihinalang mayroon ding mga nakaimbak na mga pulbura at iba pang mga kemikal sa paggawa ng paputok sa nasabing bodega na iniimbestigahan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), ayon kay director P/Col. Relly Arnedo.

(ELOISA SILVERIO)

341

Related posts

Leave a Comment