2 bansa na lang bibisitahin BIYAHE NI POLONG INIURONG SA ENERO

NAUDLOT ang planong biyahe ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte matapos hingan ng karagdagang detalye ng House of Representatives sa 17 bansa na balak niyang bisitahin sa loob ng dalawang buwan.

Ayon kay Atty. Jose Marmoi F. Salonga, executive director ng Office of the Secretary General, natanggap ng Kamara ang sulat ni Duterte para humingi ng pahintulot bumiyahe mula December 15, 2025 hanggang Pebrero 20, 2026.

“In line with this, the House sent a letter to Representative Duterte requesting additional details and a revised submission to facilitate proper evaluation, given the overlap with official session days,” ani Salonga.

Sa kanyang tugon, binago ni Duterte ang petsa ng biyahe: mula December 15, 2025, inurong ito sa Enero 3, 2026 at tatagal hanggang Enero 30, 2026. Bawas din ang mga bansang bibisitahin: imbes na 17, Netherlands at Australia na lamang. Ayon sa mambabatas, bibisitahin niya ang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa The Hague at ang anak niyang nag-aaral sa Australia. Iginiit niya rin na lahat ng gastos sa biyaheng ito ay mula sa kanyang sariling bulsa.

Magugunita na umani ng kontrobersya ang unang request letter ni Duterte kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III noong December 1, 2025, na nakapaloob ang 17 bansa kabilang ang Hong Kong, China, Malaysia, Indonesia, South Korea, Japan, Cambodia, United States, Australia, United Kingdom, the Netherlands, Germany, France, Belgium, Italy, at Singapore.

Nagdulot ng duda ang panibagong request dahil nakapasyal na rin si Duterte sa mga bansang ito mula Marso 20 hanggang Mayo 10, 2025, kaya’t tinatanong ng ilang mambabatas ang pangangailangan ng muli nitong pagbisita.

(BERNARD TAGUINOD)

81

Related posts

Leave a Comment