IGINIIT ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na buhayin ang Quad Committee upang imbestigahan ang mga rebelasyon ni Ramil Lagunoy Madriaga laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa grupo, naisumite na sa Office of the Ombudsman ang sworn affidavit ni Madriaga na naglalaman ng mga alegasyon hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng Pangalawang Pangulo na may kaugnayan sa confidential funds, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at sindikato ng ilegal na droga.
“Mahalaga ang rebelasyon ni Madriaga dahil nabanggit niya ang mga sumusunod: Oplan Double Barrel support operations; ang pagdedeliber ng confidential funds at ang papel nina Col. Raymund Dante Lachica at Col. Dennis Nolasco sa mga operasyong ito; POGO funding para sa kampanya ni Sara Duterte; at ang paggamit ng magnetic lifters sa drug deliveries na dumaraan sa customs,” pahayag ng Makabayan bloc sa isang joint statement.
Ang Quad Committee ay binuo noong 19th Congress at kinabibilangan ng Committee on Good Government and Public Accountability, Dangerous Drugs, Public Accounts, at Human Rights. Inimbestigahan ng nasabing komite ang mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa POGO at ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.
Ayon kina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan party-list Rep. Renee Co, hindi ordinaryong political accusation ang mga rebelasyon ni Madriaga kaya hindi ito dapat balewalain ng Kongreso.
Lubha anilang nakababahala ang nilalaman ng affidavit ni Madriaga na nagpakilalang bagman ni VP Sara, na nagdedeliber ng malalaking halaga ng pera sa iba’t ibang lugar, kabilang ang parking compound ng Office of the Ombudsman noong termino ni dating Ombudsman Samuel Martires.
Gayundin ang alegasyong pinondohan ng mga drug dealer at POGO ang ISIP o Inday Sara Is My President at iba pang campaign support group ni Duterte.
Ayon sa Makabayan bloc, sakaling mapatunayan ang mga rebelasyon ni Madriaga, maaari itong magsilbing batayan para sa paghahain ng impeachment laban sa Bise Presidente.
(BERNARD TAGUINOD)
68
