CAVITE – Tinatayang mahigit sa P116,000 halaga ng marijuana ang nasamsam sa isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at nasa listahan ng High Value Individuals (HVIs), sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Jovany Bael y Maglangit, alyas “Bani”, nasa hustong edad, ng Brgy. Paradahan, Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Ehdcel Manalo ng Tanza Police Station, dakong alas-4:00 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Tanza MPS sa Brgy. Paradahan 1, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Bael.
Nakuha sa suspek ang dalawang bloke ng marijuana na tumitimbang ng 967 gramo at may street value na P116,040, at P5,800 buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(SIGFRED ADSUARA)
259
