2 BUDOL NA ‘FAITH HEALERS’ SA VALENZUELA ARESTADO

ARESTADO ang dalawang babae matapos mambudol ng P311,100.00 halaga ng alahas at cash, sa pagpapanggap na faith healer sa lungsod ng Valenzuela noong Linggo, Oktubre 19.

Kinilala ni PCol. Joseph Talento, Acting Chief of Police ng Valenzuela City Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Charie”, 34, at “Maria”, 50, pawang mga residente ng Barangay San Rafael, Montalban, Rizal.

Kinilala naman ang mag-asawang biktima na sina Gilda at Domingo, kapwa 46-anyos at residente ng Barangay Mapulang Lupa, Valenzuela City.

Ayon sa ulat, ulat ni PCpt. Robin Santos, hepe ng SIDMS, VCPS, noong Biyernes nakilala ni Domingo ang mga suspek sa palengke sa Barangay Malinta habang nagtatawas at nagbebenta ng mga herbal na gamot.

Ayon kay Domingo, halos dalawang taon nang may sakit na “sciatica” ang kanyang asawa. Pinangakuan umano ng mga suspek si Domingo na kaya nilang pagalingin ang asawa sa pamamagitan ng isang “healing ritual” dahil mga faith healer anila sila.

Ayon sa biktima, pinaghanda sila ng mga suspek ng 8 iba’t ibang uri ng prutas, 8 iba’t ibang uri ng bulaklak, 8 pirasong itim na kandila, P198,100.00 cash, pitong iba’t ibang uri ng gold na alahas na nagkakahalaga dapat ng P113,000.00, at dalawang puting sobre bilang alay kay “Datu Karu”, ang puting duwende na magpapagaling anila kay Gilda.

Ayon pa umano sa mga suspek, gagamitin lamang ang mga ito sa ritwal at hindi kukuhanin.

Nakumbinsi naman ang mag-asawang biktima kaya’t personal silang pinuntahan ng dalawang suspek sa kanilang bahay at isinagawa ang ritwal.

Isinilid ni Maria ang pera at mga alahas sa puting sobre at tinalian ito. Inutusan ni Maria si Domingo na dalhin ito sa loob ng kanilang banyo kasama ang iba pang alay at magdasal aniya kay Datu Karu na pagalingin ang kanyang asawa.

Pagkaraan ay si Charie naman umano ang pumasok sa banyo para magdasal kay Datu Karu. Kasunod naman umanong pumasok si Maria at ikinandado ito.

Pagkaraan ay ibinalot umano ni Maria ang mga alay sa dilaw na tela at tinalian ito saka inutusan ang mag-asawa na dalhin ito sa kanilang kuwarto ngunit huwag umanong bubuksan dahil babalikan nila ito kinabukasan.

Nagduda umano si Domingo dahil nagmamadaling umalis ang dalawa kaya binuksan nito ang itinaling dilaw na tela na may lamang alay ngunit natuklasang mga papel na lamang ang laman nito.

Hinabol nito ang dalawa na sumakay umano sa isang bus sa Valenzuela Gateway Complex (VGC), at ipinaaresto sa pulis.

Nabawi naman ang cash at alahas mula sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o swindling/ estafa.

(MARDE INFANTE)

15

Related posts

Leave a Comment