LOG OUT MUNA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA totoo lang, aminin na natin, majority sa atin ngayon ang parang built-in na sa katawan ang cellphone. Mula pagkagising hanggang pagtulog sige sa pag-scroll. Kaya naman, napaka-timely at “on point” ng panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na subukan ang “digital media fasting” ngayong Kuwaresma.

Tradisyonal nating iniuugnay ang pag-aayuno sa pagbabawas ng pagkain, pag-iwas sa karne, o pagtitimpi sa mga luho. Ngunit sa modernong panahon, ang pinakamalakas nating “konsumo” ay hindi na lamang pagkain kundi impormasyon.

Bawat segundo, binabaha tayo ng mga balita, opinyon, at viral videos na pilit humahabol sa ating atensyon. Realtalk: Ilang oras ba ang nasasayang ninyo sa doomscrolling? Kadalasan, hindi na natin namamalayan na mas matagal pa ang ginugugol natin sa social media kaysa panalangin, pakikipag-usap sa pamilya, o tahimik na pagninilay.

Teka lang ha, hindi sinasabi ng CBCP na masama ang teknolohiya. Sa katunayan, napakahalaga nito sa edukasyon at maging sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Ngunit gaya ng anomang bagay, ang labis ay nakalalason. Ang walang patumanggang pag-scroll ay unti-unting kumakain sa ating kakayahang mag-isip at magkaroon ng lubos na pahinga.

Ang digital fasting ay hindi lamang pagbabawas ng “screen time.” Isa itong paanyaya na bawiin ang kontrol sa ating atensyon. Sa pagbabawas ng panahon sa newsfeed, nagkakaroon tayo ng espasyo para sa mas taimtim na pagdarasal, oras sa sarili, maging iyong tunay na pakikipagkuwentuhan sa pamilya o kaibigan nang walang istorbo ng notifications.

Bagama’t panawagan ito ng Simbahan, ang digital detox ay may benepisyong lagpas sa aspetong espiritwal. Sa mundong laging may opinyon at laging gustong maging viral, ang pagpili sa katahimikan ay isang power move.

Kapag nabawasan ang digital overload, mas nagiging klaro ang ating pag-iisip at mas nagiging kalmado ang ating emosyon. Mas nagiging “present” tayo sa mga taong nasa harap natin.
Hindi lang ito para sa mga deboto. Para ito sa sinomang nakararamdam ng burnout sa social media.

So baka ngayong Kuwaresma, magandang isama natin sa pagninilay kung ano ang gusto nating gawing prayoridad.

Baka kasi sa pag-log out ng konti, mas mahanap natin kung ano talaga ang mahalaga.

66

Related posts

Leave a Comment