2 DATING MAMAMAHAYAG, MAGIGING KATUWANG NI DSWD SEC. ERWIN TULFO

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

ILANG linggo na lang ay opisyal nang uupo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang broadcaster na si Erwin Tulfo.

Inaabangan na ng marami ang official transition at excited na ang mga Pinoy na makita muli ang performance ni Tulfo bilang public servant.

Hindi na bago sa atin ang mamang ito.

Magandang balita naman dahil mga dating mamamahayag din ang dalawa sa magiging bagong undersecretary ng DSWD.

Magiging katuwang ito ni Tulfo sa kanyang trabaho.

Aba’y pinili ni Tulfo ang dating mamamahayag na si Sally Navarro na magiging undersecretary for the Office of the Secretary, gayundin si Jericho Javier na magiging undersecretary for Operations.

Well, kilalang masisipag ang dalawa kaya’t ito ang kinuha ni Tulfo.

Kung hindi ako nagkakamali, sina Navarro at Javier ay nakakasama na niya kahit noong nasa TV5 pa siya.

Nakabibilib itong si Tulfo dahil siya mismo ang nagbigay ng taning sa trabaho niya bilang DSWD chief.

Kapag hindi raw niya nagampanan nang maayos ang kanyang mandato sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon, aba’y kusa siyang aalis sa puwesto.

“It is a challenge… Kaya kong patunayan na I can do something about it because I’ve been in this work [public service] for the past several years,” ani Tulfo sa panayam ng CNN.

Alam daw niya na pinagdududahan siya ng ilan nating mga kababayan dahil hindi niya naman daw linya ito.

Ngunit handa aniya siyang patunayan sa mga nanghuhusga sa kanya na kaya niyang gampanan ang kanyang tungkulin at kapag hindi naman daw niya ito nagawa ay magre-resign siya.

“Ang hingi ko lang… sa mga nagdududa… [at nagsasabing], ‘Broadcaster ‘yan, etc., etc., walang alam. Binigay lang sa kanya [ni Marcos ‘yung pwesto] bilang pasasalamat,’ please give me six months to one year to deliver,” sabi ni Tulfo.

Naging news anchor, komentarista sa radyo at host ng public service shows sa ABS-CBN, TV5, Radyo Singko at PTV4 si Erwin.

Kasama sa mga naging palatuntunan niya ay ang “Hoy Gising!” “Magandang Gabi, Bayan,” “Aksyon,” “Bitag”, “T3: Reload,” at marami pang iba.

Siya rin ang kasalukuyang chairperson ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support Partylist (ACT-CIS) na nakasungkit ng tatlong upuan sa Kongreso sa katatapos na halalan.

Si Erwin ay kapatid ng kapwa broadcaster at senator-elect Raffy Tulfo.

Malawak ang karanasan niya sa larangan ng serbisyo publiko.

Kaya naman, tiyak na makararating ang mga ayuda’t benepisyo sa publiko sa pinakamabilis na panahon sa loob ng kanyang termino.

234

Related posts

Leave a Comment