2 empleyado ng city hall timbog BIG BIKE, NINAKAW SA IMPOUNDING AREA

NAHAHARAP sa kasong carnapping ang dalawang empleyado makaraang tangayin ang isang big bike na nasa impounding area ng Traffic Unit sa Makati City.

Bukod sa carnapping, nahaharap din sa kasong obstruction of justice na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI)  sa Office of the Ombudsman ang mga suspek na sina Anselmo Atienza, dating officer-in-charge ng Impounding Unit, at nakatalaga sa Makati City-Public Safety Department (PSD), at Reynaldo Ponce, nakatalaga naman sa Makati City-General Services Department.

Batay sa ulat na ipinarating kay NBI OIC-Director Eric Distor, dumulog sa kanilang tanggapan ang may-ari ng Honda big bike, makaraan umanong tangayin ng dalawang suspek.

Salaysay ng nagrereklamo, nahuli siya sa isang traffic violation noong 2018 sa Makati City at na-impound ang kanyang motorsiklo sa impounding compound sa Urban Street, Brgy. Pio del Pilar, sa Makati City

Nang magkaroon na siya ng tsansa na tubusin ang sasakyan ay hindi na ito makita. Kamakailan, nakatanggap ng impormasyon ang complainant sa kinaroroonan ng kanyang motorsiklo kaya agad siyang nagtungo sa NBI para magpatulong.

Nagkasa ang mga tauhan ng NBI Anti-Graft Division ng ‘surveillance operation’ at nakumpirma ang kinaroroonan ng sasakyan.

Nilusob ng mga operatiba, sa bisa ng search warrant mula sa Lemery, Batangas Regional Trial Court, ang isang bahay na pag-aari ni Atienza sa Bauan-San Luis Road sa Brgy. Taliba, San Luis, Batangas na nagresulta sa pagkakarekober sa naturang big bike.

Depensa ni Atienza, nakasama umano sa subasta ng mga hindi natutubos na motorsiklo ang big bike. Binili umano niya ang big bike na nasa ‘scrap condition’ sa nanalong bidder.

Pero sa imbestigasyon ng NBI, natuklasan na hindi kasama ang big bike sa sinasabing subasta at peke ang ‘delivery receipt’ na ipinakita ni Atienza.

Kasamang sinampahan ng kaso si Ponce na nakialam at humarang umano sa NBI sa pag-aaresto kay Atienza. (RENE CRISOSTOMO)

165

Related posts

Leave a Comment