ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., hinggil sa malawakang agri-smuggling, tone-toneladang sibuyas ang nasabat kamakailan sa isang pinagsanib na operasyon sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Plant Industry sa Subic.
Sa kalatas ng BOC-Subic, timbog ang isang 40-foot container van na pakay ng operasyon bunsod ng natanggap na impormasyon hinggil sa paglapag ng kargamento mula sa bansang China.
Nang matukoy ang target na container van, agad na nagkasa ng isang inspeksyon sa harap ng mga kinatawan mula sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga tumayong saksi sa aktwal na pagbubukas at pagsusuri ng kargamento sina Agriculture Assistant Secretary James Layug, Shirley David ng Bureau of Plant Industry-Plant Quarantine Service Region 3 (Central Luzon), mga opisyales ng Subic Bay Metropolitan Authority, Philippine Drug Enforcement Agency at Chamber of Customs Brokers Inc.
Sa datos ng BOC-Subic, nakatala ang kargamentong una nang idineklara bilang “frozen carrots” sa dalawang kumpanya – Veneta Consumer Goods.
Sa aktwal na pagsusuri, pawang sibuyas – at walang nakitang “frozen carrots” – ang tumambad sa loob ng puntiryang kargamento mula sa China.
Hagip din ang dalawang 40-foot container van na nakatala sa Lalavy Aggregates Trading. Ang idineklarang “frozen lobster balls and crab sticks,” pawang sibuyas din mula sa China ang laman.
Patuloy ang isinasagawang imbentaryo ng mga nakumpiskang kargamento, habang ikinakasa ang paghahain ng patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa DA Administrative Order 18, series of 2000, DA Circular 4, series of 2016, at Section 1400 ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). Pagtitiyak ni BOC-Subic District Collector Maritess Martin, paiigtingin pa ng kanyang nasasakupang distrito ang mahigpit na pagbabantay ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento bilang tugon sa hamon ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
