SUGATAN ang dalawang indibidwal makaraang pagbabarilin habang sa nakaupo sa bangketa sa Maria Natividad Street, Barangay 346, Sta. Cruz, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Christian Morales, 20, habang si Juanito Buenaflor Jr., 23, ay dinala sa Chinese General Hospital.
Kinilala ng dalawang testigo sa krimen, ang mga suspek na sina “Adam”, 26, residente ng Caloocan City, at “Bigti”, 23, ng Sta. Cruz, Manila, kasalukuyang tinutugis ng mga operatiba ng Sta. Cruz Police Station 3 ng Manila Police District.
Ayon kay Police Staff Sergeant Kenneth Relopez kay Police Captain Mark Joseph Carpio, hepe ng Station Investigation Division and Management Branch (SIDMB), bandang alas-11:45 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa nabanggit na lugar.
Nabatid sa salaysay ng mga testigo, makaraang pagbabarilin ang mga biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo.
Patuloy ang isinasagawang backtracking operation nina Police Staff Sergeant Elar Bagtas at Police Staff Sergeant Jeffrey Castillo ng Sector 3 ng MPD Station 3, para madakip ang mga suspek.
(RENE CRISOSTOMO)
141
