ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa konstruksyon ng Cabanglasan Hydropower plant sa San Fernando, Bukidnon na subsidiary ng repower energy development corporation.
Sa privilege speech, sinabi ni Tulfo na batay sa kanilang impormasyon, itinayo ang planta nang walang building permit o construction permit mula sa lokal na pamahalaan.
Nang magsagawa anya ng test run ang planta noong November 2025, nagpakawala ng tubig at puminsala sa pananim ng may 100 magsasaka, halos nagpaguho sa maraming bahay at halos nag-wipe out ang maraming kabuhayan.
Nagtataka ang senador kung bakit walang naging agarang aksyon ang Department of Energy, Energy Regulatory Commission at Department of Environment and Natural Resources.
Idinagdag ng mambabatas na hindi na maiwasan na mag-isip ang mga residente ng lalawigan kung bulag ang mga ahensyang ito o natapalan ng pera.
Binigyang-diin ni Tulfo na hindi lamang ito tungkol sa isang hydropower plant sa Bukidnon kundi ukol sa mga ahensya ng gobyerno na bigong magpatupad ng mga batas o kaya walang ginagawa habang nalulunod ang komunidad.
(Dang Samson-Garcia)
1
