2 KFRG MEMBERS UTAS SA PNP-AKG

DEAD on the spot ang dalawang hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom group nang makasagupa ang mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na pinamumunuan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo nitong Huwebes ng umaga sa Antipolo City.

Sa ulat na isinumite kay Gen. Estomo ni PNP-AKG Luzon Field Unit head, Lt. Col. Villaflor Bannawagan, nangyari ang engkwentro bandang alas-5:40 ng umaga sa kahabaan ng Marcos Highway sa Sitio Painuman, Barangay Inarawan ng nasabing lungsod.

Ayon kay Bannawagan, nasabat ang dalawang suspek sa inilatag na checkpoint sa Barangay Inarawan habang sakay ng motorsiklong walang plaka ngunit sa halip na huminto ay nagtangkang tumakas kaya nagkaroon ng habulan at palitan ng putok.

Una rito, may natanggap na intelligence report ang mga pulis hinggil sa riding in tandem na magsasagawa ng robbery holdup sa lugar.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis dahilan para gumanti sila ng putok.

Patay ang dalawang suspek sa insidente na kinilalang sina alyas “Kelly” at “Roy,” pinaniniwalaang mga miyembro ng Mokong group na sangkot sa robbery, kidnap for ransom at maging sa ilegal na droga.

Sinasabing matagal nang target ng PNP-AKG ang grupong ito na pinamumunuan ng isang Ryan Dela Cruz na subject ng warrant of arrest.

Nakuha sa encounter site ang kalibre .45 na baril, Uzi sub-machine gun at mga bala. (JESSE KABEL)

251

Related posts

Leave a Comment