BUKING ang isang hinihinalang akyat-bahay na tumangay ng humigit kumulang P140,000 cash at gadgets makaraang makilala na isa sa mga naglinis ng aircon sa bahay na kanyang pinasok sa Gen. Trias City, Cavite noong Linggo ng madaling araw.
Hawak ngayon ng Gen. Trias Component City Police Station, ang suspek na si alyas “Nazario”, 52, driver ng Brgy. Biclatan, Gen. Trias City, Cavite.
Ayon sa ulat, bandang alas-4:20 ng madaling araw nang gumising ang biktima at bumaba patungo sa kusina ng kanilang bahay sa Brgy. Buenavista 3, Gen. Trias City, nang makasalubong niya ang suspek na armado ng patalim at siya ay tinutukan.
Mistulang natulala ang biktima na walang nagawa hanggang sa lumabas ang suspek bitbit ang mga tinangay na kinabibilangan ng isang Lenovo laptop na nagkakahalaga ng P50,000; Realme cellphone (P12,000); Samsung tablet (P7,000); sling bag na nagkakahalaga ng P500 na may lamang P1,000; P40,000 cash, driver’s license at dalawang ATM Cards.
Ngunit ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek na isa sa mga naglinis ng aircon sa kanilang bahay.
Bunsod nito, kinontak ng pulisya ang Balbins Air Conditioning Services na nag-service sa kanila na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Hindi naman binanggit kung narekober ang mga gadget na tinangay ng suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
260 