2 KINASUHAN SA ILLEGAL ONLINE SABONG

BINITBIT ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District ang dalawa sa anim na nahuli sa illegal online sabong sa Sta. Cruz, Manila, iniulat ng pulisya.

Sinasabing pinakawalan ang apat na tumataya sa online sabong at dalawa ang kinasuhan na kinilalang sina Armi Ray Gavino, 18, teller, at John Paul Castillo, 21, kahero.

Batay sa ulat ni P/Major Cicero Pura, hepe ng DSOU, bandang 8:30 ng gabi nang salakayin ang online sabong sa Pedro Guevarra St., malapit sa Sulu St. sa Sta. Cruz, Manila.

Nauna rito, dakong alas-6:30 ng gabi nang makatanggap ng report si P/Major Rommel Anicete, hepe ng MPD-District Intelligence Unit, na nagsasagawa umano ng ilegal online sabong sa lugar.

Bunsod nito, sinalakay ng mga awtoridad ang nasabing lugar at natimbog ang anim na kalalakihan

Nang hanapan ng lisensya ay walang naipakitang dokumento sina Gavino at Castillo dahilan upang sila ay kasuhan habang pinalaya ang apat na mananaya. (RENE CRISOSTOMO)

566

Related posts

Leave a Comment