ARESTADO ang dalawang lalaki sa operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa kasong online sexual abuse sa isang dalagita sa lalawigan ng Tarlac.
Sa ibinahaging ulat, Huwebes ng madaling araw, kumagat sa pain ang ang dalawang lalaking sangkot umano sa pambibiktima online sa isang menor de edad.
Inaresto ng mga tauhan ng PNP-ACG ang dalawang suspek pasado alas-12:00 ng madaling araw sa isang convenience store sa bayan ng Moncada, ng nasabing lalawigan bunsod ng reklamo ng mga magulang ng dalagitang biktima ng online sexual abuse and exploitation.
Isinagawa umano ang entrapment operation matapos idulog ng mga magulang ng biktima ang pang-aabusong dinanas nito mula sa dalawang suspek.
Ayon sa reklamo, pinipilit umano ng mga suspek ang biktima na magbigay ng maseselang larawan at video.
“Out of fear, the victim complied each time they made such demands. However, when the victim refused to send any more content, one of the suspects created a Facebook account and publicly posted her sensitive pictures online,” ayon sa press release ng PNP-ACG.
Matapos i-post ang kanyang maseselang larawan, pinilit umanong makipagkita ang biktima sa mga suspek para burahin ang mga nai-post na video at larawan.
Hindi nakapalag ang dalawa nang posasan ng mga pulis at ngayon ay kapwa nakadetine sa Moncada Municipal Police Station at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 11930 (Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children; at Anti-Child Sexual Abuse and Exploitation Material), Article 286 (Grave Coercion), at Article 294 (Robbery Extortion) ng Revised Penal Code of the Philippines.
Papatong pa dito ang paglabag sa Republic Act 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Law, at Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Nanawagan naman si Police Brig. Gen. Sidney Hernia ng PNP-ACG, na idulog agad sa mga awtoridad ang ganitong mga kaso para agad maagapan.
(JESSE KABEL RUIZ)
