NADAKIP sa entrapment operation ng mga tauhan ng Makati City Police ang dalawang Chinese national matapos manggantso ng kapwa Chinese kamakalawa ng tanghali sa loob ng isang coffee shop sa Avida Tower sa Yakal St., Barangay San Antonio, Makati City.
Ayon sa talaan ng Makati City Police, inireklamo ng kapwa nila dayuhan sina Yang Xiangyu, 22, at Chen Nan Hui, 24, parehong nanunuluyan sa #6, 6th floor, SOWA Building, Pasay City na nanloko at tumangay ng dolyares sa isang money changer sa nasabing Lunsod.
Batay sa ulat ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, sa salaysay ng biktimang si Guozheng Cao, 30, nanunuluyan sa Avida Tower sa Brgy. San Antonio, nakilala ng biktima ang dalawang suspek sa isang social media application na ‘We Chat’ at inalok siya na papalitan ang kanyang mga dolyares ng Chinese RMB na malaki ang tubo.
Nakipagkita si Cao sa dalawang suspek sa isang fastfood restaurant sa Buendia Avenue kung saan iniabot niya sa mga suspek ang US$ 8,700.
Sa pangako ng mga suspek na ipadadala ang resibo at ididiretso ang kapalit na RMB sa kanyang bank account ay pumayag si Cao.
Ngunit sa kabila ng paghihintay, walang perang pumasok sa bank account ni Cao kaya nadiskubre niya na peke ang resibo na ipinadala sa kaniya.
Dahil dito, lumapit siya sa Makati City Police na agad magkasa ng entrapment operation laban sa mga suspek.
Nagkasundo ang mga suspek at biktima na magkita makaraang kontakin muli ni Cao ang dalawa para magpapalit muli ng pera.
Nagkita ang tatlo sa napagkasunduang lugar at nang abutin ang pera ay agad pinosasan ng mga pulis ang dalawang Chinese na boodle marked money ang nakuha.
Agad dinala sa himpilan ng pulisya sina Yang Xiangyu at Chen Nan Hui at sinampahan ng kasong estafa sa Makati City Prosecutor’s Office.
Kaugnay nito, inaalam ng Makati City Police kung overstaying na sa bansa ang dalawang dayuhan na tourist visa lamang ang ginagamit. (DAVE MEDINA)
191