2 LOLO NAGTALO SA BAKOD, 1 PATAY

QUEZON – Patay ang isang 73-anyos na lalaki nang saksakin ng 78-anyos na kapitbahay dahil sa pagtatalo sa bakod ng kanilang bahay sa Barangay Kapaluhan, sa bayan ng Calauag sa lalawigan noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang namatay na biktima sa pangalang “Lolo Francis”, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat ng Calauag Police, nangyari ang insidente bandang alas-7:30 ng umaga habang gumagawa ng bakod na barbwire ang biktima sa sakop ng kanyang lote at bahay.

Ngunit kinompronta ito ng suspek na kinilalang si “Lolo Leo”, na kapitbahay nito.

Nagtalo ang mga ito hinggil sa hangganan ng kanilang lupa hanggang sa kumuha ang suspek ng itak at sinaksak ang biktima.

Tinamaan ang biktima sa kanang bahagi ng dibdib na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Agad naman dinala sa kustodiya ng barangay chairman ang suspek matapos ang insidente at kalaunan ay itinurn-over sa nagrespondeng mga pulis.

Kasalukuyan nang inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

16

Related posts

Leave a Comment