SURIGAO Del Sur – Pinaslang umano ng hinihinalang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army ang dalawang matandang Indigenous People na kasapi ng Manobo tribe, sa Sitio Inadan, Barangay Magroyong, San Miguel sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng military, alas-7:00 ng gabi nang paslangin ang mga biktimang sina Datu Hawudon Bernardino Astudillo, 73-anyos, isang Manobo, kasalukuyang tribal chieftain ng Brgy. Magroyong, at Zaldy Domingo Ibaňez, 65, isa ring Manobo, at kapwa naninirahan sa Sitio Inadan, Brgy. Magroyong, San Miguel.
Sa sumbong ng mga residente, puwersahang tinangay ang mga biktima at kinaladkad sa kagubatan sa bahagi ng barangay at doong pinagsasaksak hanggang mapatay ng 15 NPA terrorists na pawing mga kasapi ng Guerilla Front 30 (GF30), North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC), sa pamumuno ng isang Joel Mahinay alyas “Nicko”.
Sinasabing pambabastos ang ginawang krimen ng CPP-NPA sa idineklarang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte .
Ayon kay National Commission on Indigenous People (NCIP)-Caraga Regional Director Atty. Ferdausi Cerna, ginawa ang krimen sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). (JESSE KABEL)
