Hindi lang kalalakihan 32% NG KABABAIHAN LULONG SA E-GAMBLING

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI lamang kalalakihan ang nalululong sa online gambling kundi maging kababaihan kaya hindi dapat regulasyon ang gawin ng gobyerno kundi ipagbawal na ito sa lalong madaling panahon.

Ito ang nabatid kay 1Tahanan party-list Rep. Nathaniel Oducado matapos lumabas sa pag-aaral na 32% umano ng kababaihan sa bansa ay nalululong sa online gambling at gumagastos ng P1,000 kada linggo sa nasabing sugal.

“Nakita po kasi namin especially ‘yung mga nasa loob lamang ng bahay sila yung may pinakamalaking investment sa online gambling. And alarmingly 32% ng women ang gumagastos ng minimum of P1,000 per week sa online gambling,” ayon sa mambabatas.

Walang datos na ibinigay si Oducado sa katumbas na bilang ng 32% na kababaihang nagugumon sa sugal subalit malaki na aniya ito.

Unang sinabi ng mambabatas na 60% sa mga lulong sa online gambling ay ordinaryong mamamayan na kumikita ng P15,000 pababa kada buwan at kabilang sa mga ito ay tricycle drivers.

Dahil din umano sa nasabing sugal, marami na sa mga manggagawa na kumikita ng P15,000 ay nagpapabaya sa kanilang trabaho kaya kailangang matulungan ang mga ito na makaiwas sa nasabing bisyo.

“Baka po may mga recipients ng ayuda ang involve sa online gambling pero we don’t have the data on that pero most likely eh may mga ganoon po kaya ito ay dapat pong silipin ng Kamara,” ayon pa kay Oducado.

Ayon naman kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, mahihirap ang kliyente ng mga online gambling site kaya hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng gobyerno.

Hindi rin isinasantabi ni Adiong na posibleng ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang total ban sa online gambling sa kanyang State of the Nation Address (SONA) tulad ng ginawa nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“If Malacanang puts its weight on the pressure of banning e-gambling operations, talagang magiging priority yan. Whatever the President says, talagang maging state policy,” ayon kay Adiong.

Pagkalulong ng Kabataan

Samantala, nais ipabusisi ni Senador Win Gatchalian sa Senado ang impormasyon ng pagkakasangkot ng mga mag-aaral sa online gambling.

Sa kanyang resolusyon, inamin ni Gatchalian na nakakaalarma na maaaring ma-access ng mga mag-aaral ang mga online gambling platforms nang hindi nababantayan ng mga nakatatanda.

Ipinaliwanag ng senador na dahil nakatutok ang mga kabataan sa cellphone o computer, mas madali silang mahikayat ng online gambling advertisements na nasa websites at social media channels tulad ng Facebook, X, Instagram, TikTok, at YouTube.

Bagama’t labag sa batas para sa mga estudyante ang magsugal, walang malinaw na pambansang polisiya o mga education-based intervention para sugpuin ang online at offline gambling sa mga paaralan.

Tinukoy din ng senador na itinuturing ng World Health Organization ang gambling disorder bilang behavioral addiction, na may matinding pinsalang dinudulot sa mga mag-aaral, kabilang ang madalas na pagliban sa paaralan, pagnanakaw, mga suliraning sikolohikal, at pangmatagalang adiksyon.

Ayon kay Gatchalian, nasasangkot ang mga mag-aaral sa sugal dahil sa mga e-wallets at iba pang mga digital platforms kung saan mahina ang sistema sa pagsilip sa edad, may maraming mga addictive features, at nakakapaghatid ng agarang kasiyahan.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

38

Related posts

Leave a Comment