2 MISSING SA BAGYONG KRISTINE SA CAVITE

DALAWA katao ang hinihinalang nawawala, isa rito ay natangay ng baha habang ang isa naman ay hinihinalang nalunod sa kasagsagan ng malakas na paghagupit ng bagyong Kristine sa magkahiwalay na insidente sa lalawigan ng Cavite noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang nawawalang mga biktima na sina Annalyn Gonzales y Mercado, 48, negosyante, ng Brgy. Sambong Tagaytay, City, Cavite at Soledad Mojica y Elequillo, 59, magsasaka, ng Brgy. Taiwanak Ibaba, Alfonso, Cavite.

Ayon sa ulat ng Tagaytay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), bandang ala-1:00 ng hapon noong Huwebes nang mangyari ang insidente sa Sitio Bitin, Brgy. Sambong, Tagaytay City, Cavite, habang naglalakad pauwi ang magkapatid na Jessie Mercado at Annalyn Gonzales Mercado, nang tangayin sila ng pagragasa ng baha sa nasabing lugar dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa bagyong Kristine.

Natangay umano si Annalyn na kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa Alfonso, Cavite, pauwi rin ang biktimang si Soledad at mga kamag-anak nito galing sa pag-ani ng saging at habang papatawid sa isang kawayang tulay sa Purok 7, Brgy. Taiwanak Ibaba, Alfonso, Cavite bandang ala-1:00 ng hapon noong Huwebes nang nadulas umano ang biktima at nahulog sa ilog.

Tinangkang tulungan ng mga kasamahan nito ang biktima subalit hindi nila nagawa dahil sa malakas na agos ng tubig mula sa ilog dulot ng malakas na buhos ng ulan dala ng bagyong Kristine. (SIGFRED ADSUARA)

141

Related posts

Leave a Comment