NAGDAGDAG ang pamosong PRO5 Regional Director ng accomplishments sa kanyang ledger sa pagkakaaresto sa dalawang rape suspect sa dalawang magkahiwalay na lugar
Unang nadakip ng mga tauhan ni Bicol PNP chief, P/BGen. Estomo si Rizaldy B. De Guzman, 54, residente ng Sitio Imacoto, Brgy. Cagmanaba, Oas, Albay at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa ulat, sinalakay ng PNP-PRO5 Albay, Oas Municipal Police Station kasama ang 3rd Maneuver Platoon at 2nd Bulacan Police Mobile Force Company, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Arnold Santiago, Provincial Director ng Albay, ang area na pinagtataguan ni De Guzman na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan
Si De Guzman ay suspek sa panggagahasa sa isang alyas “Ester” sa Oas, Albay at pagkaraan ay nagtago nang mabatid na naghain ng reklamo ang biktima.
Makaraan ang halos sampung taon ay natunton ang pinagtataguan ng suspek sa San Ildefonso, Bulacan.
Kahapon, isa pang suspek sa kasong multiple rape ang nadakip ng mga tauhan ni P/BGen. Estomo sa Brgy. Sipaya, Juban, Sorsogon
Dakong alas-7:00 ng umaga, makaraan ang intelligence operation ng Bulusan MPS team ay nadakip ang suspek na si Roque Celestial Basquino, residente ng Brgy. San Roque, Bulusan, Sorsogon.
Sinasabing ang suspek ay responsable sa paulit-ulit na panghahalay kay alyas “Mae” sa Bulusan, Sorsogon. Pagkaraan ay tumakas ang suspek at nagpalipat-lipat ng lugar sa loob ng halos pitong taon hanggang sa madakip ng mga tauhan ng PNP-PRO5 sa Juban, Sorsogon. (JESSE KABEL)
