2 NIGERIAN SCAMMERS, PINAY TIKLO SA LAGUNA

LAGUNA – Inaresto ng mga operatiba ng Carmona Police at San Pedro Police ang dalawang Nigerian national at isang Pinay dahil sa pag-withdraw ng mahigit P1 milyong cash mula sa na-hack na account sa San Pedro City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Inaresto ang mga suspek na sina Samuel Nomso Esomchi, 40; Taye John Bamidele, nasa hustong edad, kapwa Nigerian national, at Gladys Rias Francisco, 47, isang balo, dahil sa reklamo ni Surjan Singh Kathait, 45, isa ring Nigerian national, at negosyante.

Ayon sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon noong Miyerkoles nang maaresto ang Pinay sa isang branch ng China Bank sa Brgy. Nueva, San Pedro City matapos nitong tangkaing i-withdraw ang P400,000 cash habang sa harapan ng Petron gas station sa San Pedro City at Robinson Galleria South naman naaresto ang dalawang Nigerian national.

Nag-ugat ang pag-aresto sa tatlo nang tinangkang mag-withdraw ni Francisco ng halagang P400,000 cash sa China Bank San Pedro Branch dahilan upang makipag-coordinate ang nasabing branch sa China Bank Carmona, Cavite  para sa inter-branch withdrawal.

Pero bago pa man ang nasabing transaksyon, nakatanggap ng impormasyon ang China Bank sa Carmona, Cavite mula sa China Bank BGC na ang nasabing remittance ay na-hack kaya inalerto ng manager nito na si Ma. Victoria Marquez ang pulisya at nagresponde ang PIU Cavite PPO at San Pedro Police na nagresulta sa pagkakaaresto kay Francisco.

Ikinanta naman ni Francisco ang dalawang kasamahan nitong Nigerian national na nadakip naman sa Petron gas station at Robinson Galleria South kung saan narekober ang P1,400,000 cash na nauna nilang nai-withdraw.  (SIGFRED ADSUARA/CYRILL QUILO)

146

Related posts

Leave a Comment