NEGROS OCCIDENTAL – Dalawang hinihinalang miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army ang napatay sa engkwentro laban sa mga tropa ng pamahalaan sa Kabankalan City sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Base sa report ng Kabankalan Police, pasado alas-2:00 ng umaga nang makasagupa ng 94th at 47th Infantry Battalion ng Philippine Army ang grupo ng NPA sa Sitio Makilo, Barangay Kamansi.
Nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga sundalo matapos magreklamo ang mga residente sa extortion activities ng mga armadong grupo sa kanilang lugar.
Humihingi umano ng pagkain sa mga residente ang mga armado araw-araw.
Ayon pa sa report, dalawang beses nagkabakbakan ang magkabilang panig bago tumakas ang mga rebelde.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga napatay.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang mga armas, bandila ng CPP-NPA, dalawang granada at subersibong mga dokumento. (NILOU DEL CARMEN)
